Totally Spies

11:37 PM


Ipinalabas ito sa telebisyon noong 2001-2015

     Isang malaking parte ng aking kabataan ang Totally Spies. Ilang oras at kuryente ang aking naaksaya para lang masubaybayan ang buhay nila Sam, Clover, at Alex sa Beverly Hills, California bilang mga undercover agents. Pinapakita ang dalawang aspekto ng buhay nina Sam, Clover, at Alex: ang buhay nila sa Beverly Hills High School bilang mga estudyante at kanilang pang-araw-araw na karanasan at ang buhay nila sa World Organization of Human Protection (WOOHP) kasama ang manager nilang si Jerry. 


     Naging sikat ang palabas na Totally Spies sa mga kabataan dahil sa iba't ibang mga misyon ng ating mga tauhan. May mga iba rin itong aspekto na kukumukuha ng pansin ng mga kabataang babae katulad ng paggamit ng mga kagamitang pambabae na nagiging sandata sa kanilang mga labanan katulad ng mga lipstick, singsing, at pulseras. Siguro naging matagumpay ang palabas na ito sa mga kabataan dahil kahit na nagpapakita ito ng mga estereotipiko, marami pa rin itong mga aspektong hindi pangkaraniwan. 



     Higit na estereotipikal na babae ang tatlong magkakaibigan. Maarte silang magdamit, magsalita, at mag-isip. May pagka-Valley Girl ang kanilang pagkatao. Ito ang tawag sa isang klase ng babae na nanggaling sa isang parte ng California kung saan madalas mayaman sila at magara magbihis. Libangan nina Sam, Clover, at Alex ang pamimili at paglalakwatsa sa mall. Binibigyan-diin ang fashion sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Hindi katulad ng ibang mga pambatang palabas, iba-iba ang kanilang kasuotan kada episode. Sinasalamin ng tatlong bida kung ano ang imahen ng isang babae. 


     Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, naipapakita sa palabas na ito ang sitwasyon sa isang high school sa Beverly Hills. At kahit na hindi pangkaraniwan ang tagpuan nito, maaari pa rin itong sumalamin sa mga ibang paaralan hindi lamang sa California o Estados Unidos, kundi na rin sa buong mundo. Pinapakita kung paano makipag-ugnayan ang mga kabataan sa kapwa nilang kabataan. Makikita kung paano naaapi ng isang bully ang kaniyang biktima. Sa palabas na Totally Spies, si Mandy ang bully at ang sikat sa kanilang eskuwelahan. Pinapahiya niya ang mga taong nakapaligid sa kaniya at hindi siya papayag na may mas hihigit pa sa kaniya. Kaya naman palagi niyang inaatake ang tatlong bida, lalong lalo na si Sam. 

     Sa isang eksena na makikita sa baba, makikita na pinagtatawanan ni Mandy si Sam dahil may isa siyang puting buhok. Kahit na mababaw ang dahilan ng pang-aapi ni Mandy, makikita na naapekto pa rin si Sam. Matindi ang paghusga ng mga babae sa iba at sa kanilang mga sarili. Kailangan may imahe ng pagiging perpekto ang isang babae. Sa totoong buhay, hindi lamang puting buhok ang kinakahiya ng mga babae. Kasama na rito ang mga bilbil, kaitiman, at mga buhok sa mga iba't ibang parte ng katawan. Hanggang ngayon, makikita pa rin ito sa kasalukuyang panahon. Sikat ang mga institusyon katulad ng Belo kung saan inaayos ang estetika ng tao at LayBare kung saan tinatanggal ang buhok sa katawan. May iilan na mga kalalakihan na nagbabayad para sa serbisyo ng mga institusyon na ito, pero kababaihan pa rin ang karamihan sa kanilang mga suki. 


     Ngunit, kahit sobrang estereotipikal nila Sam, Clover, at Alex sa imahen ng isang babae, pinapakita na hindi ito isang hadlang sa kanilang misyon para kalabanin ang mga masasamang tao sa lipunan. Hindi tomboy o nagpapakita ng mga katangian ng mga lalaki ang mga tauhan sa palabas. Hindi nila inaasa ang kanilang buhay o ang buhay ng ibang tao sa mga kalalakihan. Nakikipaglaban sila sa kanilang mga kaaway ng walang tulong na hinihingi sa lalaki. Ngunit tinutulungan sila ni Jerry sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga sandata para makatulong sa kanilang mga laban, hanggang doon lamang ang kaniyang pagtulong. Hindi si Jerry mismo ang nakikipagsapalaran. Sa aspektong ito ng palabas, makikita na mas lalo nang sinusuportahan ng lipunan ang ideya ng women empowerment. 

     Sa kasalukuyan, mas lalong laganap ang pagtanggap sa ideyang ito. Nauuso ang pagiging "Girl Boss" at pagpapakita sa lipunan na hindi kailangan ng isang babae ang lalaki para maging matagumpay sa buhay. Hindi madaling narating ng mga babae ang pagtanggap at pag-unawa ng lipunan dito. Ilang taon o dekada ang lumipas para makamit nila ito. Sa katunayan, baka ang mga palabas katulad ng Totally Spies ang naging dahilan o ang tumulong para sa mas lalong pagtanggap sa mga kababaihan. 


     Malaki ang naging epekto sa aking pag-iisip at pagkilos ang Totally Spies. Napagtanto ko na walang problema sa pagiging estereotipikal na babae. Totoo na hindi dapat isipin na ganito lahat ng babae, pero kailangan din linawin na walang mali dito. Ayos lang na may pagkaarte sa pananamit, pagkilos, at pagsalita ng tao basta wala siyang naaapakan na kahit sinuman. Hindi dapat tayo manghingi ng tawad sa kahit sinuman kung ito talaga ang ating pagkatao. 

Mga Sanggunian:

“Cartoons and Video Games.” Pinterest, www.pinterest.ph/pin/204562008059629003/.

“Totally Spies.” Accro Du Shopping - Images - Images - Totally Spies - Dessins Animés - La Télé, www.canalj.fr/La-tele/Dessins-animes/Totally-Spies/Images/Images/Accro-du-shopping.

“Totally Spies.” Pinterest, www.pinterest.ph/pin/337066353341393491/.

TotallySpiesChannel. “Totally Spies | Sam's Grey Hair.” YouTube, YouTube, 8 Feb. 2013, www.youtube.com/watch?v=goe5yn7-35c.

“Tumblr Humor III.” Pinterest, www.pinterest.ph/pin/AYI4oI47kNlu7R8NN10ccQNp-0miVkY1TtdwrNP5Js_MkUAH5yitI9I/.






You Might Also Like

1 comments

Popular Posts

Like us on Facebook